Ito ang aking talumpati noong nakaraang semestre sa aming asignaturang Filipino o Sining ng Pakikipagtalastasan:
Bata, bata, paano ka ginawa? Ito ang aking naging katanungan sa mga musmos sa amin. Ang naging tugon ng una “Ako po ay ginawa ni Hesus sapagkat ako’y mahal niya.” Ang pangalawa nama’y “Ako po ang naging bunga ng pagmamahalan ng aking ama at ina.” Ang pangatlo nama’y “Ako’y nagmula sa putik na niluto ng Diyos. May mga taong maitim dahil sila’y nasobrahan ng luto. May mga taong maputi dahil hindi masyadong luto at ang ikatlo’y katamtaman ang kulay at doon ako nabibilang.”
Kung tutuusin, sa napakamura nilang edad ay masasabi kong tama nga sila sa kanilang pinaniniwalaan at nakakaaliw pakinggan ang kanilang mga sagot. Ngunit, pumasok sa isipan ko, paano naman kaya ang mga batang hindi nabigyan ng pagkakataong mabuhay ng dahil sa aborsyon? Ano nga ba ang aborsyon?
Ang aborsyon ay ang pagkaudlot ng pagbubuntis na nauuwi sa pagkamatay ng isang fetus. Alam naman nating ito ay malawakang ipinagbabawal sa Pilipinas dahil ito ay nakasaad sa Rebisyon ng Penal Code ng Pilipinas na naitatag noong 1930 at sa kasalukuya’y naipatutupad pa rin. Nakapaloob rito ang mga artikulo bilang 256, 258 at 259 na nagsasabing “Ang isang babaeng sumailalim sa aborsyon at maging ang tumulong sa kanya na maisagawa ito tulad ng magulang niya, doktor, o midwife ay mabibigyan ng karampatang parusa ng pagkakakulong.
Subalit, hindi pa rin sapat nag batas na ito dahil ayon sa isang survey na naitala noong 1994 tinatayang 400,000 aborsyon ang naisagawa ng ilegal sa Pilipinas at 80,000 kababaihan ang naospital sanhi ng komplikasyong dulot nito. Labindalawang porsyento ng “maternal death” ay sanhi ng hindi ligtas na aborsyon ayon sa datos ng Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas. Sa pagsapit ng taong 2000 tinatayang 78,900 kababaihan ang naospital matapos ang aborsyon. 473,400 ang kabuuang bilang ng nagpa-abort. Masasabing 27 per 1,000 kababaihan na nasa edad 15-44 kada taon ang nagpapaabort. Ang kabuuang porsyento nito sa iba’t ibang panig ng bansa particular sa Maynila ay 73%,, ang natitirang parte sa Luzon ay 36%, 29% sa Visayas at 23% sa Mindanao at alam niyo ba na 42 milyong aborsyon kada taon ang nagaganap sa buong mundo!Nakakalungkot isiping ganito ang sinasapit ng mga kaawa-awang mga sanggol. Bakit nga ba laganap na ang aborsyon sa bansa? Ang pangunahing suliranin ay dahil sa kahirapan. Mas gugustuhin nalang ng isang ina na ipalaglag ang magiging anak kaysa danasin ang hirap ng isang kahig at isang tuka nilang pamumuhay. Ang pangalawang suliranin ay ang tinatawag nilang “premarital sex” na laganap sa mga kabataan ngayon. Ang kadalasang bunga nito ay ang wala sa panahong pagbubuntis kaya maagap na ipinalalaglag ang fetus. Ang mga solusyon nito ay ang mga sumusunod: Family Planning – ito ang wasto o tamang pagpaplano ng pamilya, nakapaloob dito kung ilan ang napagkasunduang magiging anak ng mag-asawa. Pangalawa, sex education – ito ay ang pag-aaral ng mga kabataan upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman patungkol sa paksang nasasaklawan ng pagbubuntis. Pangatlo ay ang ispiritwal na gabay mula sa Panginoon na siya lamang ang may karapatang kumitil ng buhay at ang pang-apat ay ang mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Sa kabuuan, magtulungan tayo upang huwag nang madagdagan ang ganitong kaso ng aborsyon. Ni hindi man lamang nalasap ng kaawa-awang sanggol ang kaginhawaan ng buhay. Ni hindi man lang niya nakita ang kagandahan ng mundo na nilikha ng Diyos. Ni hindi man lang niya naranasan kung paano magmahal at mahalin tulad nang nararanasan natin ngayon. May bukas pa kaibigan, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Sugpuin ang aborsyon. Ngayon na ang araw ng pagkilos! Simulan na natin ngayon! Kung hindi ngayon, kailan…kailan…kailan? Ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ay nasa ating mga kamay.
Nawa’y nakapagbigay ako ng karagdagang kaalaman sa inyo.